Wednesday, August 29, 2012

Ang Paga-asawa Ko ng Koreano -Cindy (hindi tunay na pangalan)-

Ako po ay 25 taong gulang, tubong Bataan.  Nakilala ko po ang Koreano na aking napangasawa sa isang “show-up” sa isang agency sa Makati.  May taga sa amin po sa Taguig na broker na nagdala sa akin sa agency para mag “show-up.” 

Noong mga panahon po kasi na yon maysakit ang nanay ko. At dahil sa hirap makahanap ng pera sa panahon ngayon, naisipan kong mag “show-up” dahil madami akong kilala sa amin na nag “show-up” nga doon.  Sinubukan ko para makatulong sana sa mga magulang ko dahil noong panahon na yon halos matatapos na ako sa pinapasukan kong trabaho.  

Ganito po ang nangyari:

Nag text po sa akin ang pinsan ko at nagtanong kung gusto ko daw pong mag asawa ng Korean kasi may ipapakilala daw po siya.  Akala ko po noon yong kakilala niya ay may kasamang Koreano na dumating sa Pinas. Kasi po yong anak ng kumare ng mama niya ay may asawang Korean.  Sabi ko po sige kasi nga maysakit ang nanay ko noon at baka ito na yong swerte ko na makapag-asawa ng Koreano.

Kinabukasan po nagpunta ako ng bahay nila tapos nalaman ko na agency lang din pala na kung saan nag “show-up” ang kapatid niya,  Sinamahan po ako ng kumare ng mama niya sa broker na Pinay sa may Taguig din po.

Pagpunta po namin doon, na interview ako kung single po ako at kung ilang taon na ako at kung wala ba daw akong anak.  Sabi ko po wala at kinunan ako ng picture. Sabi tawagan na lang daw ako kapag may guest na Koreano na dadating.  Kasi noong mga araw na yon wala daw pong guest.  Kinuha po and number ko.

Tinawagan nga po ako nung may dumating na guest.  Pinapunta po kami sa bahay niya. Tatlo po kami noong babae nang araw na yon.  Kasama niya kami pagpunta sa agency sa Makati.  Madami pang mga babae ang nag “show-up.”  Iba-iba pong mga broker na Pinay ang nagdala ng mga babae noong araw po na yon.  Hindi po ako napili noon.  

Sumunod na araw may tatlong guests po ang dumating at hindi pa rin po ako napili.  September 1 po uli, mayroon na naman, yon na nga po yong petsa na napili ako at kinabukasan po, September 2 kinasal na kami kasabay ng tatlong babae na napili noong August 30.  Apat po kasi kaming ikinasal noong September 2, 2012.

Ginawa ang kasalan sa isang hotel po sa Makati Avenue, sa may Aberdeen Court, 3rd floor at judge po yong nagkasal sa amin.  Bawat family po ng ikakasal ay mininum ng 10 tao lang po ang dapat imbitado sa kasal.  Umatend po sa akin yong nanay ko, kapatid na bunso, tito ko,  pinsan ko saka yong kumare ng mama ng pinsan ko.  

Judge daw po yong nagkasal sa amin. Sa palagay ko po, fake lang po yong marriage contract doon dahil noong nakita ko, may mga witness na nakapirma doon na kamag-anak ko daw pero di ko naman mga kilala.  Dinaya lang po nila, gawa-gawa po ba.

Ilang oras lang po kami nagkakilala ng Koreano, kinabukasan kasal na at 5 days kaming nagsama sa hotel. Tapos bumalik na po siya dito sa Korea.

Naiwan ako habang yong mga papers ko na gagamitin pagpunta sa Korea ay inaayos ng agency. Tapos noon, nakapunta na ako dito sa Korea. 

Hindi ko akalain na ganito ang magiging buhay ko dito. Lalo pang napasama sa kagustuhan ko na makatulong sa magulang ko, ganito pa nagdudusa ako ngayon,  pati sarili ko di ko matulungan ngayon.

Sising-sisi po ako ngayon. Marami po akong napulot na aral sa nangyari sa akin dito ngayon. Hindi ko po kasi pinag-isipan ng mabuti kung tama ba ang naging desisyon ko, basta ang nasa isip ko lang kasi dati kailangan ako ng magulang ko para makatulong sa kanila. 

Pero mas mabuti pa noong kasama ko sila at kahit paano kumikita naman ako ng minimum ang sahod, naalagaan ko ang magulang ko at nakakapagbigay kahit paano sa kanila.  Ngayon wala na po,  ang sama pa ng ugali ng sinamahan ko.  

Kaya po awang-awa sa akin ang pamilya ko hindi daw kasi namin alam kung ano mangyayari sa akin dito. Hindi rin sila tumitigil sa paghahanap ng paraan para makakauwi ako pabalik sa kanila.  Salamat din sa Diyos dahil hindi niya ako pinababayaan. 

Ito ay isinalaysay ng isa sa mga kababayan natin na natulungan ng Philippine Center na sa ngayon ay maluwalhating nakabalik na sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Nawa’y kapulutan natin ito ng aral lalo na ang ating mga kababayan na nagnanais ding makapunta sa bansang Korea sa pamamagitan ng paga-asawa ng Koreano. Hindi natin sinasabing ang lahat ay “sad ending” subalit mapaghandaan sana at mapag-isipan ang bawat desisyon na gagawin.

No comments:

Post a Comment