Ako
po ay 25 taong gulang, tubong Bataan. Nakilala ko po ang Koreano na
aking napangasawa sa isang “show-up” sa isang agency sa Makati. May
taga sa amin po sa Taguig na broker na nagdala sa akin sa agency para
mag “show-up.”
Noong
mga panahon po kasi na yon maysakit ang nanay ko. At dahil sa hirap
makahanap ng pera sa panahon ngayon, naisipan kong mag “show-up” dahil
madami akong kilala sa amin na nag “show-up” nga doon. Sinubukan ko
para makatulong sana sa mga magulang ko dahil noong panahon na yon halos
matatapos na ako sa pinapasukan kong trabaho.
Ganito po ang nangyari:
Nag
text po sa akin ang pinsan ko at nagtanong kung gusto ko daw pong mag
asawa ng Korean kasi may ipapakilala daw po siya. Akala ko po noon yong
kakilala niya ay may kasamang Koreano na dumating sa Pinas. Kasi po
yong anak ng kumare ng mama niya ay may asawang Korean. Sabi ko po sige
kasi nga maysakit ang nanay ko noon at baka ito na yong swerte ko na
makapag-asawa ng Koreano.
Kinabukasan
po nagpunta ako ng bahay nila tapos nalaman ko na
agency lang din pala na kung saan nag “show-up” ang kapatid niya,
Sinamahan po ako ng kumare ng mama niya sa broker na Pinay sa may
Taguig din po.
Pagpunta
po namin doon, na interview ako kung single po ako at kung ilang taon
na ako at kung wala ba daw akong anak. Sabi ko po wala at kinunan ako
ng picture. Sabi tawagan na lang daw ako kapag may guest na Koreano na
dadating. Kasi noong mga araw na yon wala daw pong guest. Kinuha po
and number ko.
Tinawagan
nga po ako nung may dumating na guest. Pinapunta po kami sa bahay
niya. Tatlo po kami noong babae nang araw na yon. Kasama niya kami
pagpunta sa agency sa Makati. Madami pang mga babae ang nag “show-up.”
Iba-iba pong mga broker na Pinay ang nagdala ng mga babae
noong araw po na yon. Hindi po ako napili noon.
Sumunod
na araw may tatlong guests po ang dumating at hindi pa rin po ako
napili. September 1 po uli, mayroon na naman, yon na nga po yong petsa
na napili ako at kinabukasan po, September 2 kinasal na kami kasabay ng
tatlong babae na napili noong August 30. Apat po kasi kaming ikinasal
noong September 2, 2012.
Ginawa
ang kasalan sa isang hotel po sa Makati Avenue, sa may Aberdeen Court,
3rd floor at judge po yong nagkasal sa amin. Bawat family po ng
ikakasal ay mininum ng 10 tao lang po ang dapat imbitado sa kasal.
Umatend po sa akin yong nanay ko, kapatid na bunso, tito ko, pinsan ko
saka yong kumare ng mama ng pinsan ko.
Judge
daw po yong nagkasal sa amin. Sa palagay ko po, fake lang po yong
marriage contract doon dahil noong nakita ko, may mga witness na
nakapirma doon na kamag-anak ko daw pero di ko naman mga kilala. Dinaya
lang po nila, gawa-gawa po ba.
Ilang
oras lang po kami nagkakilala ng Koreano, kinabukasan kasal na at 5
days kaming nagsama sa hotel. Tapos bumalik na po siya dito sa Korea.
Naiwan
ako habang yong mga papers ko na gagamitin pagpunta sa Korea ay inaayos
ng agency. Tapos noon, nakapunta na ako dito sa Korea.
Hindi ko akalain na ganito ang magiging buhay ko dito. Lalo pang napasama sa kagustuhan ko na
makatulong sa magulang ko, ganito pa nagdudusa ako ngayon, pati sarili ko di ko matulungan ngayon.
Sising-sisi
po ako ngayon. Marami po akong napulot na aral sa nangyari sa akin dito
ngayon. Hindi ko po kasi pinag-isipan ng mabuti kung tama ba ang naging
desisyon ko, basta ang nasa isip ko lang kasi dati kailangan ako ng
magulang ko para makatulong sa kanila.
Pero
mas mabuti pa noong kasama ko sila at kahit paano kumikita naman ako ng
minimum ang sahod, naalagaan ko ang magulang ko at nakakapagbigay kahit
paano sa kanila. Ngayon wala na po, ang sama pa ng ugali ng sinamahan
ko.
Kaya
po awang-awa sa akin ang pamilya ko hindi daw kasi namin alam
kung ano mangyayari sa akin dito. Hindi rin sila tumitigil sa
paghahanap ng paraan para makakauwi ako pabalik sa kanila. Salamat din
sa Diyos dahil hindi niya ako pinababayaan.
Ito
ay isinalaysay ng isa sa mga kababayan natin na natulungan ng
Philippine Center na sa ngayon ay maluwalhating nakabalik na sa kanyang
pamilya sa Pilipinas. Nawa’y kapulutan natin ito ng aral lalo na ang
ating mga kababayan na nagnanais ding makapunta sa bansang Korea sa
pamamagitan ng paga-asawa ng Koreano. Hindi natin sinasabing ang lahat
ay “sad ending” subalit mapaghandaan sana at mapag-isipan ang bawat
desisyon na gagawin.